34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”
35 Subalit inutusan siya ni Jesus, “Tumahimik ka, lumayas ka sa taong iyan!” At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, umalis ang demonyo ng hindi siya sinasaktan.
36 Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, “Ano ito? Lubhang makapangyarihan ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!”
37 At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.
38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin.
39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.
40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling.