1 Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nag-uunahan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos.
2 May nakita siyang dalawang bangka sa tabi ng lawa; wala sa mga bangka ang mga mangingisda kundi nasa lawa at naglilinis ng kanilang mga lambat.
3 Sumakay siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simon, na may-ari ng bangka, na ilayo ito nang kaunti. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.
4 Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”
5 Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.”
6 Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat.
7 Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito.