1 Isang Araw ng Pamamahinga, nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga uhay ng trigo at kanila itong kinain matapos kuskusin sa kanilang mga kamay.
2 “Bakit kayo gumagawa ng bawal sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?” tanong ng ilang Pariseo.
3 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama?
4 Di ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na tanging mga pari lamang ang may karapatang kumain? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama.”
5 At sinabi pa ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
6 Isang Araw ng Pamamahinga rin noon nang pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay.