41 “Bakit mo pinapansin ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang troso sa iyong mata?
42 Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang trosong nasa iyong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, nang makakita kang mabuti; sa gayon, maaalis mo na ang puwing ng iyong kapatid.”
43 “Walang mabuting punongkahoy ang namumunga ng masama, at wala ring masamang puno ang namumunga ng mabuti.
44 Nakikilala ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag.
45 Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong tigib ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi.”
46 “Bakit ninyo ako tinatawag ng ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko?
47 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito.