33 Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’
34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’
35 Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng lahat ng taong namumuhay ayon doon.”
36 Minsan, si Jesus ay naanyayahang kumain sa bahay ng isang Pariseo. Pumunta naman siya at dumulog sa hapag.
37 Nang mabalitaang kumakain si Jesus sa bahay ng naturang Pariseo, isang babaing itinuturing na makasalanan sa bayang iyon ang nagpunta roon na may dalang pabangong nasa sisidlang alabastro.
38 Umiiyak siyang lumapit sa paanan ni Jesus, at hinugasan ng kanyang luha ang mga paa nito. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok ang mga paa ni Jesus, hinalikan ito at binuhusan ng pabango.
39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”