37 Nang mabalitaang kumakain si Jesus sa bahay ng naturang Pariseo, isang babaing itinuturing na makasalanan sa bayang iyon ang nagpunta roon na may dalang pabangong nasa sisidlang alabastro.
38 Umiiyak siyang lumapit sa paanan ni Jesus, at hinugasan ng kanyang luha ang mga paa nito. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok ang mga paa ni Jesus, hinalikan ito at binuhusan ng pabango.
39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”
40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.
41 Kaya't nagpatuloy si Jesus, “May dalawang taong umuutang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa.
42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”
43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.”“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus.