1 Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa
2 at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena na may pitong demonyong pinalayas ni Jesus mula sa babaing ito,
3 si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Sarili nilang salapi ang kanilang ginastos para sa pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
4 Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumalapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinhagang ito:
5 “Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ito ng mga tao at tinuka ng mga ibon.
6 May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo ito, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig.
7 May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon.