29 Ganoon ang sinabi nito sapagkat inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu. Madalas itong sinasapian ng masasamang espiritu, at kahit ito'y bantayan at tanikalaan ang paa't kamay, pinaglalagut-lagot lamang nito ang mga iyon. Siya'y dinadala ng demonyo sa mga liblib na pook.
30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?”“Pulutong,” sagot niya, sapagkat marami ang demonyong pumasok sa kanya.
31 Nagmamakaawa kay Jesus ang mga demonyo na huwag silang itapon sa kalalimang walang hanggan.
32 Samantala, may malaking kawan ng baboy na nagsisikain sa isang bundok na malapit doon. Nakiusap ang mga demonyo na papasukin sila sa mga iyon, at pinahintulutan naman sila ni Jesus.
33 Lumabas sa tao ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy. Ang kawan ay biglang sumibad ng takbo at tuluy-tuloy na nahulog sa lawa at nalunod.
34 Nang makita ito ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon.
35 Lumabas ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasapian ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, nakadamit na at matino na ang isip. Sila'y lubhang natakot.