8 Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tigsasandaang butil.”At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!”
9 Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito.
10 Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob na sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y nagsasalita ako sa pamamagitan ng talinhaga. Nang sa gayon,‘Tumingin man sila'y hindi sila makakita;at makinig man sila'y hindi sila makaunawa.’”
11 “Ito ang kahulugan ng talinhaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos.
12 Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas.
13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't dumating ang pagsubok, sila'y tumiwalag.
14 Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga.