20 “Kayo naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Kayo po ang Cristo na sinugo ng Diyos!” sagot ni Pedro.
21 Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman.
22 Sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay ipapapatay nila ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang bubuhayin ng Diyos.”
23 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
24 Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.
25 Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang mapapahamak naman ay ang kanyang sarili.
26 Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel.