48 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang mapagpakumbabá sa inyong lahat ay siyang magiging pinakadakila.”
49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.”
50 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.”
51 Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, ipinasya niyang pumunta sa Jerusalem.
52 Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan.
53 Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil sa siya'y papunta sa Jerusalem.
54 Nang malaman ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, payag po ba kayong paulanan namin sila ng apoy upang sila'y matupok?”