38 Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at nagagalak na sila'y igalang ng mga tao.
39 Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan.
40 Hinuhuthot nila ang ari-arian ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusang igagawad sa kanila.”
41 Naupo si Jesus sa tapat ng lalagyan ng mga kaloob doon sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghahandog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga.
42 Lumapit naman ang isang biyudang mahirap at naghulog ng dalawang tigsisingkwenta sentimo.
43 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat.
44 Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng biyudang iyon, bagama't siya'y mahirap, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”