1 Muling nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At dahil nagkatipon sa paligid niya ang napakaraming tao, siya'y sumakay at umupo sa isang bangkang nasa tubig. Nanatili naman ang karamihan sa may dalampasigan,
2 at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinhaga. Ganito ang sinabi niya:
3 “Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi.
4 Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon.
5 May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon.
6 Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat.
7 May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi.
8 At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami; may nagkabutil ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tigsasandaan.”
9 Sinabi pa ni Jesus, “Makinig ang may pandinig.”
10 Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilan sa mga nakikinig ay lumapit sa kanya kasama ang Labindalawa. Hiniling nilang ipaliwanag niya ang talinhaga.
11 Sinabi niya, “Ipinagkaloob na sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinhaga.
12 Nang sa gayon,‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita,at makinig man sila nang makinig ay hindi makakaunawa.Kung gayon, sana'y nagbalik-loob sila sa Diyosat nagkamit sana sila ng kapatawaran.’”
13 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinhagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinhaga?
14 Ito ang kahulugan ng talinhaga: ang binhing inihahasik ay ang mensahe tungkol sa kaharian ng Diyos
15 at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa mensahe ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumating si Satanas at inalis ang mensaheng inihasik sa kanila.
16 “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig at malugod na tumatanggap sa mensahe ng Diyos.
17 Subalit ang mensahe ay hindi tumitimo sa kanilang puso kaya't hindi sila nananatili doon. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa mensahe ng Diyos, agad silang sumusuko.
18 “Ito naman ang kahulugan ng mga binhing nalaglag sa may damuhang matinik. May mga taong nakikinig ng mensahe ng Diyos
19 ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang mensahe ay nawalan na ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakapamunga.
20 “Ito naman ang kahulugan ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. May mga taong nakikinig at tumatanggap sa mensahe ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tigsasandaan.”
21 Nagpatuloy si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, “Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa isang malaking takalan, o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw?
22 Walang natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.
23 Makinig ang may pandinig!”
24 Idinugtong pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon.
25 Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”
26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid.
27 Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano.
28 Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil.
29 Kapag hinog na ang mga butil, agad niya itong ipagagapas sapagkat panahon na para ito'y anihin.”
30 “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinhaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus.
31 “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi.
32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”
33 Ipinangaral ni Jesus sa kanila ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinhagang tulad ng mga ito, ayon sa abot ng kanilang pang-unawa.
34 Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinhaga; ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.
35 Kinagabiha'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.”
36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at sumakay sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus upang tumawid ng lawa. May iba pang mga bangkang nakisabay sa kanila.
37 Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig.
38 Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, bale-wala ba sa inyo kung mapahamak kami?”
39 Bumangon si Jesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” at sinabi sa alon, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa.
40 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?”
41 Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa inuutos niya!”