Marcos 16 RTPV05

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus

1 Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang sila ay magpunta sa libingan at lagyan ng pabango ang bangkay ni Jesus.

2 Kinaumagahan ng Linggo, sa pagsikat ng araw, sila'y nagpunta sa libingan.

3 Ngunit sila ay nagtatanungan sa isa't isa, “Sino kaya ang maaari nating mapakiusapang maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?”

4 Nasabi nila iyon dahil napakalaki ng bato. Ngunit nang matanaw nila ito, nakita nilang naigulong na ang bato.

5 At pagpasok nila sa libingan, may nakita silang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit, at nakaupo sa gawing kanan. Kaya't sila'y nagtaka.

6 Ngunit sinabi nito sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito; siya'y muling binuhay ng Diyos! Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya.

7 Bumalik kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo.’”

8 Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis na nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot, wala silang sinabi kaninuman.[

ANG MAHABANG PAGWAWAKAS NG MAGANDANG BALITA AYON KAY MARCOS

9 Maagang-maaga ng unang araw ng linggo, matapos na siya'y muling mabuhay, si Jesus ay unang nagpakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Jesus mula sa babaing ito.

10 Nagpunta si Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Jesus upang ibalita sa mga ito ang kanyang nakita. Sila noon ay kasalukuyang nagluluksa at nalulungkot.

11 Ngunit ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Maria na si Jesus ay buháy at nagpakita sa kanya.

Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad

12 Pagkatapos, nagpakita rin si Jesus sa dalawang alagad na naglalakad papuntang bukid, subalit iba ang kanyang anyo noon.

13 Bumalik agad sila at ibinalita sa kanilang mga kasamahan ang nangyari, ngunit ayaw din silang paniwalaan ng mga ito.

Pinagalitan ni Jesus ang Labing-isa

14 Pagkatapos, nagpakita si Jesus sa labing-isang alagad habang kumakain ang mga ito. Sila ay pinagalitan niya dahil sa hindi nila pananalig sa kanya at dahil sa katigasan ng kanilang ulo, dahil ayaw nilang maniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.

15 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Habang kayo'y humahayo sa buong mundo, ay ipangaral ninyo sa lahat ng tao ang Magandang Balita.

16 Ang sinumang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan.

17 Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba't ibang wika.

18 Hindi sila maaano kahit dumampot sila ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay.”

Ang Pag-akyat kay Jesus sa Langit

19 Pagkatapos niyang magsalita sa kanila, ang Panginoong Jesus ay iniakyat sa langit at umupo sa kanan ng Diyos.

20 Sumunod nga at nangaral ang mga alagad sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatunayan niyang totoo ang kanilang ipinapangaral sa pamamagitan ng mga himala na ipinagkaloob niya sa kanila.][9 Pumunta ang mga babae kay Pedro at sa mga kasama niya, at isinalaysay ang lahat ng sinabi ng binatang nasa libingan. Pagkatapos, isinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad upang ipangaral sa lahat ng dako ng daigdig ang banal at di lilipas na balita ng walang hanggang kaligtasan.]

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16