9 Tandaan ninyo, saanman sa buong mundo ipangaral ang Magandang Balita, ang ginawa niyang ito ay ipahahayag din bilang pag-alaala sa kanya.”
10 Si Judas Iscariote, na kabilang sa Labindalawa, ay pumunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus.
11 Natuwa sila nang marinig nila ang alok ni Judas at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y humanap na si Judas ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus.
12 Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”
13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya
14 sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’
15 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.”