36 May tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y binasa ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya.
37 Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga.
38 At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba.
39 Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”
40 Naroon din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose.
41 Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem.
42-43 Nang dumidilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kasapi ng Sanedrin. Siya rin ay naghihintay na maghari ang Diyos. Dahil iyon ay Araw ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus.