8 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan?
9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka’?
10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko,
11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!”
12 Tumayo nga ang paralitiko. Kaagad nitong binuhat ang kanyang higaan at umalis habang ang lahat naman ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, “Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!”
13 Muling pumunta si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya roon ng napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan.
14 Pagkatapos nito, nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakad at nakita niyang nakaupo sa paningilan ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya.