20 Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa.
21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kasambahay, sila'y pumaroon upang sawayin siya dahil sinasabi ng mga tao na siya'y nasisiraan ng bait.
22 Sinasabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”
23 Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinhaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili?
24 Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, hindi magtatagal, mawawasak ang kahariang iyon.
25 Kapag naglaban-laban naman ang mga magkakasambahay, hindi rin magtatagal ang sambahayang iyon.
26 Gayundin naman, kapag naghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi ang kanyang nasasakupan, hindi magtatagal at darating ang kanyang wakas.