25 Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang inang may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan.
26 Ang babaing ito'y isang Griego na Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak.
27 Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.”
28 Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit kinakain din ng mga asong nasa ilalim ng mesa ang tira ng mga anak.”
29 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.”
30 Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo.
31 Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis.