11 May dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Nais nilang subukin siya kaya't hiniling nilang magpakita siya ng isang himala mula sa langit.
12 Napabuntong-hininga si Jesus at sinabi sa kanila, “Bakit naghahanap kayo ng himala? Pakatandaan ninyo: kailanma'y hindi makakakita ng anumang tanda ang salinlahing ito.”
13 At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.
14 Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa na lamang ang natira sa tinapay na dala nila sa bangka.
15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at ni Herodes.”
16 Sabi nila sa isa't isa, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon.”
17 Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip?