26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan.”
27 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”
28 Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”
29 “Ngunit para sa inyo, ano ang masasabi ninyo tungkol sa akin?” tanong niya.Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”
30 “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.
31 Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay dapat magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.”
32 Hayagang sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagalitan.