Mga Taga-Efeso 3 RTPV05

Ang Paglilingkod ni Pablo sa mga Hentil

1 Dahil dito, akong si Pablo ay naging bilanggo para kay Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil.

2 Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti.

3 Tulad ng naisulat ko na, ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang hiwaga.

4 At habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa hiwaga tungkol kay Cristo.

5 Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta.

6 At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay may bahagi rin sa mga pagpapala ng Diyos tulad ng mga Judio; kabilang din sila sa iisang katawan at may bahagi sa pangako ng Diyos dahil kay Cristo Jesus.

7 Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

8 Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma'y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging karapatan na ito, ang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo,

9 at magpaliwanag sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay.

10 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan.

11 Ito'y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

12 Dahil sa ating pakikipag-isa at pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob.

13 Kaya't hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito'y para sa inyong ikararangal.

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito, ako'y lumuluhod sa Ama,

15 na siyang pinagmulan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa.

16 Idinadalangin kong palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.

17 Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig sa kanya. Dalangin ko na ang lahat ng inyong gawain ay nag-uugat sa pag-ibig

18 upang lubusang maunawaan ninyo, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, gaano kahaba, gaano kataas, at gaano kalalim ang kanyang pag-ibig.

19 At nawa'y malaman ninyo ang buong pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip upang kayo'y mapuspos ng kapuspusan ng Diyos.

20 Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin;

21 sa kanya ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus magpakailanman! Amen.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6