1 Dahil kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya.
2 Mamuhay kayong puno ng pag-ibig tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pag-ibig sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.
3 Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot.
4 Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos.
5 Alam na ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim sapagkat ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan.
6 Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail.
7 Kaya't huwag na kayong makikisama sa kanila.
8 Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag.
9 Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag.
10 Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.
11 Huwag na kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibinubungang kabutihan. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon.
12 Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim.
13 Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon,
14 at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. Kaya't sinasabi,“Gumising ka, ikaw na natutulog,bumangon ka mula sa libingan,at liliwanagan ka ni Cristo.”
15 Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang.
16 Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon.
17 Huwag kayong maging hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18 Huwag kayong maglalasing, sapagkat mauuwi iyan sa magulong pamumuhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu.
19 Mag-awitan kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon.
20 Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
21 Pasakop kayo sa isa't isa bilang tanda ng inyong paggalang kay Cristo.
22 Mga babae, pasakop kayo sa sari-sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon.
23 Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.
24 Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang asawa.
25 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya
26 upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita.
27 Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili bilang isang maluwalhating iglesya na walang anumang dungis ni kulubot man upang ito ay maging banal at walang kapintasan.
28 Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili.
29 Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan. Sa halip, ito'y kanyang pinapakain at inaalagaan, tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesya.
30 Tayo nga'y mga bahagi ng kanyang katawan.
31 Gaya ng sinasabi sa kasulatan, “Dahil dito'y, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila'y magiging isa.”
32 Ito ay isang dakilang hiwaga na aking inihahayag tungkol sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya.
33 Kaya't kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang naman ninyo ang inyong asawa.