16 Lagi ninyong gawing panangga ang pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo.
17 Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos.
18 Ang lahat ng ito'y gawin ninyo na may panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos.
19 Ipanalangin din ninyong ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito.
20 Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y isinugo, at ngayo'y nakabilanggo. Kaya't ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat.
21 Si Tiquico, na mahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat ng bagay tungkol sa aking kalagayan at ginagawa.
22 Kaya't isinusugo ko siya sa inyo upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang palakasin ang inyong loob.