7 Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao.
8 Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya.
9 Mga amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo'y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at siya'y walang itinatangi.
10 Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan.
11 Gamitin ninyo ang lahat ng kagamitan at sandatang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo.
12 Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, at sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito—ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid.
13 Kaya't isuot ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makalalaban kayo kapag dumating ang masamang araw na sumalakay ang kaaway, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo.