11 Nang si Pedro ay nasa Antioquia, harapan kong sinabi sa kanya na mali ang kanyang ginagawa,
12 dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat ng mga Judio na nagbibigay diin sa pagtutuli.
13 At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari.
14 Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at di bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”
15 Kami'y ipinanganak na Judio, at hindi makasalanang Hentil.
16 Gayunman, alam naming ang tao'y pinapawalang-sala dahil sa pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami rin ay sumasampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat ang tao'y hindi pinapawalang-sala dahil sa pagsunod sa Kautusan.
17 Ngunit kung kaming nagsisikap na mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuang makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi!