1 Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana, hindi siya nakakahigit sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat,
2 sapagkat siya'y nasa ilalim pa ng pamamahala ng mga tagapangasiwa hanggang sa panahong itinakda ng kanyang ama.
3 Gayundin naman, noong hindi pa tayo nananalig kay Cristo, tayo'y nasa ilalim ng mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito.
4 Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan
5 upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maibibilang sa mga anak ng Diyos.
6 At upang patunayan na kayo'y mga anak ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, at nang sa gayon ay makatawag tayo sa Diyos ng “Ama, Ama ko!”
7 Hindi na kayo alipin kundi anak, at dahil kayo ay anak, kayo ay ginawa rin ng Diyos bilang mga tagapagmana niya.
8 Noong hindi pa ninyo nakikilala ang Diyos, kayo'y alipin ng mga diyus-diyosan,
9 ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon?
10 May itinatangi kayong mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon!
11 Nag-aalala akong baka nasayang lamang ang pagpapagal ko para sa inyo.
12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, tularan ninyo ako. Hindi na ako saklaw ng Kautusan, tulad ninyo noon. Wala kayong nagawang masama laban sa akin.
13 Alam naman ninyo na kaya ko ipinangaral sa inyo noon ang Magandang Balita ay dahil nagkasakit ako.
14 Gayunman, hindi ninyo ako tinakwil o tinanggihan, kahit na naging pasanin ninyo ako dahil sa aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus!
15 Nasaan ngayon ang kagalakang ipinamalas ninyo noon sa akin? Ako mismo ang makakapagpatotoo na kung maaari nga lamang pati ang inyong mga mata'y dudukitin ninyo at ibibigay sa akin noon.
16 Ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan?
17 Nagpapakita nga sa inyo ng malasakit ang mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sa kanila kayo mapalapit.
18 Hindi masama ang magmalasakit, kung palaging mabuti ang layunin at hindi kung kaharap lamang ninyo ako!
19 Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap kayong mahubog kay Cristo.
20 Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ang tono ng aking pagsasalita sapagkat talagang nag-aalala ako tungkol sa inyo.
21 Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo napapakinggan ang sinasabi sa Kautusan?
22 Sinasabi roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa alipin at isa sa malaya.
23 Ang anak niya sa alipin ay ipinanganak sa karaniwang paraan, ngunit ang anak niya sa malaya ay katuparan ng pangako ng Diyos.
24 Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin.
25 Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia, at larawan ng kasalukuyang Jerusalem na nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan.
26 Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina.
27 Ayon sa nasusulat,“Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak!Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak!Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulilakaysa babaing may asawa.”
28 Mga kapatid, tulad ni Isaac, tayo'y mga anak ayon sa pangako.
29 Kung noong una, ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay inuusig ng ipinanganak ayon sa karaniwang paraan, gayundin naman ngayon.
30 Ngunit ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.”
31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya.