1 Mga kapatid, kung may makagawa ng kasalanan, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso.
2 Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng bawat isa, sa gayong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo.
3 Dahil inaakala ninyong kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili.
4 Suriin ng bawat isa ang kanyang sarili. Magalak siya kung mabuti ang kanyang ginagawa, huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba,
5 sapagkat ang pananagutan ng bawat isa ay ang kanyang sariling gawain.
6 Dapat bahaginan ng lahat ng mga pagpapalang tinatamasa ng mga tinuturuan ang mga nagtuturo ng salita ng Diyos.
7 Huwag ninyong akalaing madadaya ninyo ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin.
8 Ang sumusunod sa nasa ng kanyang laman ay mag-aani ng kapahamakan. Ngunit ang sumusunod naman sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.
9 Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo magsasawa.
10 Kaya nga, sa lahat ng pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
11 Mapapansin ninyo na malalaki ang titik ng sulat na ito. Ako ang siyang sumulat nito!
12 Ang mga taong naghahangad na mapuri ng kapwa ang namimilit sa inyong kayo'y magpatuli. Ginagawa nila iyon upang huwag silang usigin dahil sa krus ni Cristo.
13 Kahit na silang mga tuli ay hindi naman tumutupad sa Kautusan; nais lamang nilang patuli kayo upang maipagmalaki nila na kayo man ay tumutupad sa tuntuning iyon.
14 Huwag nawang mangyari sa akin ang ganon. Ang ipinagmamalaki ko ay ang kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo.
15 Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga'y kung siya nga ay naging bagong nilalang.
16 Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos.
17 Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap. Sapat na ang mga pilat na taglay ko para makilalang ako'y lingkod ni Jesus.
18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.