14 Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng pananalig sa kanya ay matatanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.
15 Mga kapatid, narito ang isang pangkaraniwang halimbawa. Kapag nalagdaan na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-kabuluhan ninuman. Hindi rin ito maaaring dagdagan.
16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay marami kundi, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo.
17 Ito ang ibig kong sabihin, pinagtibay ng Diyos ang kanyang kasunduan at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang kasunduang iyon ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan na dumating pagkaraan ng 430 taon, ni hindi rin mapapawalang-saysay ng Kautusang ito ang mga pangako ng Diyos.
18 Kung ang pamana ay ipinagkakaloob dahil sa Kautusan, hindi na ito dahil sa pangako. Ngunit ang pamana ay ibinigay ng Diyos kay Abraham bilang katuparan ng kanyang pangako.
19 Kung ganoon, bakit pa ibinigay ang Kautusan? Ibinigay ito upang maipakita kung ano ang paglabag. Bago dumating ang anak na pinangakuan, ibinigay ang Kautusang ito sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan.
20 Ngunit hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang panig lamang ang gumagawa ng kasunduan—at ang Diyos ay iisa.