1 Mula kay Santiago, alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo:Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa labindalawang liping hinirang ng Diyos na nasa iba't ibang bansa.
2 Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok.
3 Dapat ninyong malaman na napatatatag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok.
4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.
5 Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay ng sagana at di nanunumbat.
6 Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan.
7 Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong
8 pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.
9 Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos,
10 at gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo.
11 Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.
12 Mapalad ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya.
13 Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino.
14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling nasa.
15 Kapag ang nasa ay tumubo at nag-ugat sa kanyang puso, magbubunga ito ng pagkakasala. Kapag ang kasalanan ay lumala, ito'y hahantong sa kamatayan.
16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal.
17 Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagpapakita ng bahagya mang pagbabago.
18 Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.
19 Mga kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pagsasalita at huwag agad magagalit.
20 Dahil ang galit ay hindi nakakatulong upang ang tao'y maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.
21 Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyong taimtim sa inyong puso ang salita ng Diyos sapagkat ang salitang ito ang makakapagligtas sa inyo.
22 Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.
23 Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumingin sa salamin,
24 at pagkatapos tingnang mabuti ang sarili ay umalis at kinakalimutan ang kanyang hitsura.
25 Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi nakikinig lamang, at pagkatapos ay nakakalimot.
26 Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso.
27 Ang pagiging relihiyoso na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.