1 Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa masasamang nasa na naglalaban-laban sa inyong kalooban?
2 Mayroon kayong minimithi ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't papatay kayo kung kailangan, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong minimithi dahil hindi kayo humihingi sa Diyos.
3 At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan.
4 Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay kaaway ng Diyos.
5 Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, “Ayaw ng espiritung ibinigay sa atin ng Diyos na siya'y may kaagaw sa ating pag-ibig.”
6 Ngunit higit na malakas ang tulong na ibinigay niya sa atin. Kaya't sinasabi ng kasulatan, “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit nalulugod sa mga mapagpakumbabá.”
7 Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan kayo nito.
8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip.
9 Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan!
10 Magpakumbabá kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.
11 Mga kapatid, huwag kayong magsiraan sa isa't isa. Ang namimintas o humahatol sa kanyang kapatid ay namimintas at humahatol sa Kautusan. At kung hinahatulan mo ang Kautusan, hindi ka na tagasunod ng Kautusan kundi isang hukom nito.
12 Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Tanging siya ang may kapangyarihang magligtas at magpahamak. Ngunit ikaw, sino ka upang humatol sa iyong kapwa?
13 Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at ganoong bayan at isang taon kaming titigil doon, mangangalakal kami at kikita nang malaki.”
14 Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala.
15 Sa halip ay sabihin ninyo, “Kung loloobin ng Panginoon at nabubuhay pa kami, gagawin namin ito o iyon.”
16 Ngunit kayo'y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama!
17 Ang nakakaalam na dapat niyang gawin ang mabuti ngunit hindi iyon ginagawa ay nagkakasala.