12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo.
13 Walang awa na hahatulan ng Diyos ang di-marunong maawa; ngunit ang maawain ay walang dapat ikatakot sa oras ng paghatol.
14 Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya?
15 Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain.
16 Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, may mabuti bang naidudulot sa kanya iyon?
17 Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.
18 Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang kasamang gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa.