1 Mula kay Pablo, isang lingkod ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa katotohanang makakapaglapit sa atin sa Diyos,
2 at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi sinungaling.
3 Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.
4 Sumusulat ako kay Tito, na tunay kong anak sa pananampalataya.Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.
5 Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang pumili ka ng mga matatandang mamamahala sa iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo.
6 Pumili ka ng mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya at hindi maguguló o matitigas ang ulo.
7 Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim,
8 bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, makatarungan, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili.
9 Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutuhan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.
10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang sumasalungat laban sa mga aral na ito. Dinadaya nila ang iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan.
11 Kailangang pigilin mo sila sa kanilang ginagawang ito sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya. Kumita lamang sila ng salapi ay nagtuturo sila ng mga bagay na di dapat ituro.
12 Isa na rin sa mga propetang taga-Creta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay talagang sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.”
13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang sila'y mamuhay nang maayos ayon sa kanilang pananampalataya,
14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan.
15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan.