1 Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at may kapangyarihan; sundin ang mga ito at laging maging handa sa paggawa ng mabuti.
2 Pagbawalan mo silang magsalita ng masama laban kaninuman, at turuan mo silang maging mahinahon at magalang sa lahat ng mga tao.
3 Noong una, tayo'y mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at naging alipin ng makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng iba at sila'y kinapootan din natin.
4 Ngunit nang mahayag sa atin ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas,
5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y ipinanganak na muli sa pamamagitan ng tubig at tayo rin ay binago ng Espiritu Santo.
6 Masaganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo,
7 upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ayon sa ipinangakong buhay na walang hanggan.
8 Mapagkakatiwalaan ang aral na ito. Kaya't ang nais ko'y buong tiyaga mong ituro ito sa mga nananalig sa Diyos upang ilaan nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siyang karapat-dapat at kapaki-pakinabang sa mga tao.
9 Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pagtatalo, ang di matapus-tapos na talaan ng mga ninuno, at ang mga pagtatalo at alitan tungkol sa Kautusan. Ang mga ito ay walang mabuting ibubunga at walang halaga.
10 Pagkatapos mong sawaying minsan o makalawa, iwasan mo na ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi,
11 dahil alam mong ang ganyang tao ay masama at ang kanyang sariling mga kasalanan ang nagpapakilalang siya'y mali.
12 Papupuntahin ko riyan si Artemas o si Tiquico. Pagdating nila diyan, pilitin mong makapunta dito sa Nicopolis. Dito na ako magpapalipas ng taglamig.
13 Sikapin mong mapadali ang paglalakbay ni Apolos at ng abogadong si Zenas. Tiyakin mong hindi sila nagkukulang sa anumang pangangailangan.
14 Turuan mo ang ating mga kapatid sa pananampalataya na gumawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga nangangailangan, at maging kapaki-pakinabang.
15 Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa lahat ng kapatid sa pananampalataya.Pagpalain kayong lahat ng Diyos.