1 Naging Reyna si Ester Lumipas ang mga araw at napawi ang galit ni Haring Xerxes. Subalit patuloy pa rin nitong naaalaala si Vasti, ang ginawa nito at ang utos na nilagdaan niya laban dito.
2 Kaya't iminungkahi ng kanyang mga lingkod, “Bakit di kayo magpahanap ng magaganda at kabataang dalaga, Kamahalan?
3 Pumili kayo ng mga tauhan sa bawat lalawigan para humanap ng magagandang dalaga sa kanilang lugar at dalhin sa inyong harem sa lunsod ng Susa. Ipagkatiwala ninyo sila kay Hegai, ang eunukong namamahala sa harem ng hari, at bigyan ninyo sila ng mga pampagandang kailangan nila.
4 Ang maibigan ng hari ang siyang ipapalit kay Vasti.” Nagustuhan ng hari ang mungkahing ito, at ganoon nga ang kanyang ginawa.
5 Noon ay may isang Judio na nakatira sa Susa. Siya'y si Mordecai na mula sa lipi ni Benjamin. Siya'y anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis.
6 Isa siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda.
7 Si Mordecai ay may isang napakaganda at kabigha-bighaning pinsang dalaga na ulilang lubos at siya na ang nagpalaki. Ang pangalan niya'y Ester (Hadasa naman sa Hebreo). Nang mamatay ang mga magulang ni Ester, inampon na siya ni Mordecai at itinuring na parang tunay na anak.
8 Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem.
9 Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad siya ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, ipinili pa siya ng pinakamainam na tirahan sa harem at binigyan ng pitong katulong na babae.
10 Gayunpaman, hindi sinabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya nagmula dahil iyon ang bilin sa kanya ni Mordecai.
11 Araw-araw naman, nagpupunta si Mordecai sa bulwagan ng harem upang alamin ang kalagayan ni Ester.
12 Bilang tuntunin, isang taon munang pagagandahin ang mga babae: anim na buwan silang pinapahiran ng langis at mira, at anim na buwan ding nilalagyan ng pabango at iba pang pampaganda. Pagkatapos, isa-isa silang inihaharap sa hari.
13 Bago humarap sa hari, ibinibigay sa kanila ang lahat ng maibigan nilang dalhin sa pagharap sa hari.
14 Bawat isa'y pumupunta sa hari sa gabi at kinabukasa'y dinadala sa isa pang harem nito na pinapamahalaan naman ng eunukong si Saasgaz. Sinumang pumunta sa hari ay hindi nakababalik sa palasyo kung hindi siya ipapatawag nito, lalo na kung hindi nasiyahan sa kanya ang hari.
15 Dumating ang araw na haharap na sa hari si Ester. (Si Ester ay anak ni Abihail na tiyuhin naman ni Mordecai.) Wala siyang hiniling maliban sa sinabi sa kanya ni Hegai. Nabighani ang lahat ng nakakita sa kanya.
16 Noon ay ang ikasampung buwan ng ikapitong taon ng paghahari ni Xerxes.
17 Lubos na nabighani ang hari kay Ester at inibig niya ito nang higit sa ibang babae. Kaya, kinoronahan siya nito at ginawang reyna kapalit ni Vasti.
18 Nagdaos ng isang malaking handaan ang hari upang parangalan si Ester at inanyayahan niya ang lahat ng kanyang mga pinuno at mga kaibigan. Kaugnay nito, nagpahayag pa siya ng pista opisyal sa buong kaharian at namahagi ng maraming regalo.
19 Samantala, si Mordecai naman ay naitalaga sa isang mataas na katungkulan sa pamahalaan.
20 Hanggang sa panahong iyon, hindi pa rin ipinapaalam ni Ester ang lahi o bansang pinagmulan niya, tulad ng bilin ni Mordecai (sinusunod niya ang mga utos ni Mordecai simula pa ng kanyang pagkabata).
21 Isang araw habang nasa bulwagan ng palasyo si Mordecai, narinig niyang nag-uusap ang dalawang eunukong bantay-pinto na sina Bigtan at Teres. Galit sila kay Haring Xerxes at balak nilang patayin ito.
22 Nang marinig ito ni Mordecai, gumawa siya ng paraang makausap si Reyna Ester at sinabi rito ang kanyang narinig. Sinabi naman ito ni Ester sa hari, pati ang tungkol kay Mordecai.
23 Pinaimbestigahan ito ng hari at napatunayang totoo, kaya ipinabitay sina Bigtan at Teres. Ang pangyayaring ito'y isinulat sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.