1 Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng nangyari, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit panluksa, naglagay ng abo sa ulo, at naglibot sa buong lunsod, at malakas na tumatangis.
2 Naupo siya sa labas ng pintuan ng palasyo sapagkat hindi pinapayagang pumasok doon ang sinumang nakasuot ng damit panluksa.
3 Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis nang buong kapaitan, nag-ayuno at nagluksa. Karamihan sa kanila'y nagsuot ng damit panluksa at naglagay ng abo sa ulo.
4 Lubos na nabahala si Reyna Ester nang malaman niya ang pangyayari mula sa kanyang mga katulong na babae at mga eunuko. Kaya pinadalhan niya ng bihisan si Mordecai, ngunit ayaw nitong tanggapin iyon.
5 Dahil dito, ipinatawag niya si Hatac, isa sa mga eunuko ng hari at itinalagang katulong niya. Pinapunta niya ito kay Mordecai at ipinatanong kung bakit siya nagkakaganoon.
6 Pinuntahan nga ni Hatac si Mordecai sa labas ng palasyo.
7 Sinabi naman nito sa kanya ang buong pangyayari, pati ang halagang ibibigay ni Haman sa kabang-yaman ng hari mapatay lamang ang mga Judio.
8 Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng sulat ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari.
9 Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagbalik si Hatac kay Ester at isinaysay ang lahat ng sinabi ni Mordecai.
10 Si Hatac ay pinabalik ni Ester kay Mordecai at ganito ang ipinasabi:
11 “Alam na alam ng lahat na walang itinatangi ang batas ng kaharian. Sinumang lumapit sa hari, maging lalaki o babae, nang hindi ipinapatawag ay papatayin maliban kung ipatong sa kanya ang gintong setro. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12 Nang matanggap ni Mordecai ang sagot ni Ester,
13 ganito naman ang ipinasabi niya: “Huwag mong aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ikaw lamang ang makakaligtas sa lahat ng mga Judio.
14 Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio, ngunit malilipol ka at ang iyong angkan. Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!”
15 Dahil dito, ipinasabi ni Ester kay Mordecai,
16 “Tipunin mo ang lahat ng Judio rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito'y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay.”
17 Umalis si Mordecai at ginawa ang lahat ng tagubilin ni Ester.