6 Nang malaman niyang Judio si Mordecai, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Xerxes.
7 Nang unang buwan ng ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, ginawa sa harapan ni Haman ang palabunutang tinatawag na Pur upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumama ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan na kung tawagi'y Adar.
8 Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat pong panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po kung pababayaan ninyo silang ganito.
9 Kung inyong mamarapatin, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong yaon. Magbibigay po ako ng 350,000 kilong pilak sa mga pinuno at ito'y ilalagak sa kabang-yaman ng hari.”
10 Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata, ang Agagitang kaaway ng mga Judio.
11 At sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na ang bahala sa salapi at gawin mo ang gusto mong gawin sa mga taong iyon.”
12 Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang mga kalihim ng hari. Pinagawa niya sila ng liham para sa mga gobernador ng lahat ng lalawigan at sa mga pinuno ng bayan, sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. Ang liham ay ginawa sa pangalan ni Haring Xerxes at tinatakan ng singsing nito.