21 Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan.
22 Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha.
23 Sinunod nga ng mga Judio ang utos ni Mordecai.
24 Ang paglipol na ito sa mga kaaway ay ginawa ng mga Judio dahil sa masamang balak na lipulin sila ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, kaaway ng mga Judio. Naitakda ang petsa ng paglipol sa pamamagitan ng palabunutang tinatawag na Pur.
25 Ngunit nabaligtad nga ang lahat nang umabot ito sa kaalaman ni Haring Xerxes sa pamamagitan ni Reyna Ester. Nang malaman ito ng hari, nagpakalat siya ng sulat at iniutos na kay Haman gawin ang masamang balak nito sa mga Judio. Ipinabitay siya ng hari gayundin ang kanyang mga anak na lalaki.
26 Kaya, ang pistang ito'y tinawag nilang Pista ng Purim, buhat sa salitang Pur. At dahil sa utos na ito ni Mordecai at sa pagkaligtas nila sa panganib,
27 ipinasiyang ipagdiwang ang dalawang araw na ito taun-taon. Ito'y gagawin nila, ng kanilang lahi at ng lahat ng mapapabilang sa kanila.