4 Sinabi ni Yahweh kay Hosea, “Jezreel ang ipapangalan mo sa bata sapagkat paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa maramihang pagpaslang sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng Israel.
5 Sa araw na iyon, wawasakin ko sa libis ng Jezreel ang lakas ng hukbong Israel.”
6 Naglihing muli si Gomer at isang babae naman ang kanyang naging anak. Sabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siyang Lo-ruhama sapagkat hindi ko na kahahabagan ni patatawarin man ang Israel.
7 Ngunit kahahabagan ko ang sambahayan ni Juda. Ililigtas ko sila, subalit hindi sa pamamagitan ng pana, tabak, digmaan, mga kabayo, ni ng mga mangangabayo man, kundi sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan.”
8 Nang si Lo-ruhama ay mahiwalay na sa pagpapasuso ng ina, naglihi muli si Gomer at nagsilang ng isang lalaki.
9 At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siyang Lo-ammi, sapagkat ang Israel ay hindi ko na ituturing na aking bayan at hindi na ako ang kanilang Diyos.”
10 Gayunma'y magiging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga taga-Israel, hindi mabibilang dahil sa sobrang dami. Ngayo'y sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi ko bayan,” ngunit darating ang panahon na sasabihin sa kanila, “Kayo ang mga anak ng Diyos na buháy.”