1 Kakila-kilabot ang mangyayari sa mga hindi na natutulog dahil sa pagbabalak ng kasamaan at maagang bumabangon upang agad itong isagawa sa sandaling magkaroon ng pagkakataon.
2 Kapag nagustuhan nila ang lupa ng may-lupa, kinakamkam nila ito. Inaapi nila ang mga tao sa pamamagitan ng pandaraya upang maalipin nila ang pamilya ng mga ito at masamsam ang kanilang mga ari-arian.
3 Kaya nga, sinasabi ni Yahweh, “Paparusahan ko ang sambahayang ito, at walang sinumang makakatakas dito. Hindi na kayo muling makapagmamataas pagkaraan ng araw ng inyong kapahamakan.
4 Sa araw na iyon ay kukutyain kayo ng inyong mga kaaway sa pamamagitan ng pag-awit tungkol sa inyong kasawian:‘Ganap na kaming nawasak;inalis na ni Yahweh ang aming karapatan sa mga lupaing bahagi ng aming sambahayanat pinaghati-hati ang mga ito sa mga bumihag sa amin.’”
5 Kaya't kapag dumating na ang panahong ibabalik na ni Yahweh ang lupain sa kanyang bayan, wala na kayong bahagi dito.
6 Sasabihin nila, “Huwag kang magpahayag. Huwag mong ipahayag ang gayong mga bagay. Hindi kami ilalagay ng Diyos sa kahihiyan.
7 Sa palagay mo ba'y hinahatulan ang sambayanan ng Israel? Ubos na ba ang pasensiya ni Yahweh? Talaga bang magagawa niya iyon? Hindi ba't mabait siya sa mga gumagawa ng matuwid?”
8 Sumagot si Yahweh, “Subalit sinasalakay ninyo na parang kaaway ang aking bayan. Nagsisiuwi sila mula sa digmaan na ang akala'y ligtas sila sa kanilang bayan. Ngunit naroon pala kayo at naghihintay upang sila'y hubaran.
9 “Itinaboy ninyo ang mga kababaihan ng aking bayan mula sa kanilang mga tahanang pinagyayaman. Lubusan ninyong pinagkait ang aking pagpapala sa kanilang mga anak.
10 Maghanda kayo at umalis dito; hindi na ligtas ang dakong ito para sa inyo. Sinumpa na ng inyong mga kasalanan ang dakong ito at ito'y wawasakin.
11 “Ang gusto nilang propeta ay iyong nagpapahayag ng kasinungalingan at pandaraya at nagsasabing, ‘Sasagana kayo sa alak.’
12 “Gayunman, darating ang panahon na kayong mga naiwan sa Israel ay titipunin ko. Pagsasama-samahin ko kayo, tulad ng mga tupa sa kawan. Gaya ng pastulang puno ng mga tupa, ang inyong lupain ay mapupuno ng mga tao.”
13 Magbubukas ang Diyos ng daan para sa kanila at palalayain sila mula sa pagkabihag. Magtatakbuhan silang palabas sa mga pintuang lunsod at magiging malaya. Si Yahweh mismo na kanilang hari ang sa kanila'y mangunguna.