1 Pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel.Tumayo kayo, O Yahweh, at ilahad ninyo ang inyong paratang. Hayaan ninyong marinig ng mga bundok at ng mga burol ang inyong sasabihin.
2 Mga bundok, mga di natitinag na pundasyon ng daigdig, pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel na kanyang bayan.
3 Sinabi niya, “Bayan ko, sagutin ninyo ako. Ano ba ang nagawa ko sa inyo? Paano ba ako naging pabigat sa inyo?
4 Inilabas ko kayo sa lupain ng Egipto at tinubos sa pagkaalipin. Isinugo ko sa inyo sina Moises, Aaron at Miriam upang kayo'y pangunahan.
5 Bayan ko, gunitain ninyo ang plano ni Balac na hari ng Moab, at ang tugon sa kanya ni Balaam na anak ni Beor, at ang nangyari mula sa Sitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga ito at malalaman ninyo ang ginawa ni Yahweh upang iligtas kayo.”
6 Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na sinusunog sa kanyang harapan?
7 Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo? Ihahandog ko ba sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan?
8 Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.
9 Mainam ang magkaroon ng takot kay Yahweh. Ito ang kanyang panawagan sa lunsod: “Makinig kayo, bayang nagtitipun-tipon sa lunsod!
10 Sa mga bahay ng masasamang tao ay matatagpuan ang mga kayamanang nakuha nila sa masamang paraan. Gumagamit sila ng madayang takalan na aking kinasusuklaman.
11 Mapapatawad ko ba ang mga taong gumagamit ng madayang timbangan?
12 Mapang-api ang inyong mayayaman, at kayong lahat ay sinungaling. Ang kanilang dila'y mahusay sa panlilinlang.
13 Kaya't sinimulan ko na ang inyong pagbagsak at pagkawasak dahil sa inyong mga kasalanan.
14 Kayo'y kakain ngunit hindi mabubusog, sa halip; gutom pa rin ang inyong madarama. Mag-iimpok kayo ngunit wala ring mangyayari, at ang inyong inipon ay masisira sa digmaan.
15 “Kayo'y maghahasik subalit hindi mag-aani. Magpipisa kayo ng olibo ngunit hindi makikinabang sa langis nito. Magpipisa kayo ng ubas ngunit hindi makakatikim ng alak na katas nito.
16 Mangyayari ito dahil sumunod kayo sa masasamang gawain ni Haring Omri at ng kanyang anak na si Haring Ahab. Ipinagpatuloy ninyo ang kanilang mga patakaran kaya't wawasakin ko kayo at hahamakin kayo ng lahat. Kukutyain kayo ng lahat ng bansa.”