3 Kaya nga, ang bayan ni Yahweh ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na mamumuno. Pagkatapos, ang mga Israelitang binihag ng ibang bansa ay kanyang ibabalik sa kanilang mga kababayan.
4 Pagdating ng pinunong iyon, pamamahalaan niya ang kanyang bayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Yahweh sapagkat taglay niya ang kadakilaan ng pangalan ni Yahweh na kanyang Diyos. At ang Israel ay mamumuhay na ligtas, sapagkat kikilalanin ng buong daigdig ang haring iyon.
5 At sa kanya magmumula ang kapayapaan.Kapag dumating ang mga taga-Asiria upang sakupin ang ating lupain, magsusugo tayo ng sapat na bilang ng pinakamalalakas na pinunong lalaban sa kanila.
6 Sa pamamagitan ng mga sandata ay tatalunin nila ang Asiria na lupain ni Nimrod at ipagtatanggol nila tayo kapag sumalakay ang mga taga-Asiria.
7 Ang mga nakaligtas na Israelita ay maninirahan sa maraming mga bansa. Matutulad sila sa hamog na mula kay Yahweh at para silang ulan na dumidilig sa damuhan. Sa Diyos sila aasa at hindi sa tao.
8 At ang mga Israelitang naiwan sa mga bansa ay magiging parang leon na maghahanap ng pagkain sa kagubatan. Lulusubin nila ang mga kawan ng tupa, at lalapain sila; walang sinumang makakapagligtas sa mga tupa.
9 Sasakupin at papatayin ng Israel ang kanyang mga kaaway.