1 At nangyari, na, samantalang si Apolos ay nasa Corinto, pagkatahak ni Pablo ng mga lupaing matataas ay napasa Efeso, at nakasumpong ng ilang mga alagad:
2 At sa kanila'y sinabi niya, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y magsisampalataya? At sinabi nila sa kaniya, Hindi, hindi man lamang namin narinig na may ibinigay na Espiritu Santo.
3 At sinabi niya, Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan? At sinabi nila, Sa bautismo ni Juan.
4 At sinabi ni Pablo, Nagbabautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa bayan na sila'y magsisampalataya sa darating sa hulihan niya, sa makatuwid baga'y kay Jesus.
5 At nang kanilang marinig ito, ay nangapabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.
6 At nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kaniyang mga kamay, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo; at sila'y nagsipagsalita ng mga wika, at nagsipanghula.
7 At silang lahat ay may labingdalawang lalake.
8 At siya'y pumasok sa sinagoga, at nagsalitang may katapangan sa loob ng tatlong buwan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Dios.
9 Datapuwa't nang magsipagmatigas ang ilan at ayaw magsipaniwala, na pinagsasalitaan ng masama ang Daan sa harapan ng karamihan, ay umalis siya sa kanila, at inihiwalay ang mga alagad, na nangangatuwiran araw-araw sa paaralan ni Tiranno.
10 At ito'y tumagal sa loob ng dalawang taon; ano pa't ang lahat ng mga nagsisitahan sa Asia ay nangakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayon din ang mga Griego.
11 At gumawa ang Dios ng mga tanging himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo:
12 Ano pa't ang mga panyo o mga tapi na mapadaiti sa kaniyang katawan ay dinadala sa mga may-sakit, at nawawala sa kanila ang mga sakit, at nangagsisilabas ang masasamang espiritu.
13 Datapuwa't ilan sa mga Judiong pagalagala na nagsisipagpalayas ng masasamang espiritu, ay nagsipangahas na sambitlain ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na nagsisipagsabi, Ipinamamanhik ko sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipinangangaral ni Pablo.
14 At may pitong anak na lalake ang isang Esceva na Judio, isang pangulong saserdote, na nagsisigawa nito.
15 At sumagot ang masamang espiritu at sa kanila'y sinabi, Nakikilala ko si Jesus, at nakikilala ko si Pablo; datapuwa't sino-sino kayo?
16 At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at sila'y kaniyang natalo, at nadaig sila, ano pa't nagsitakas sila sa bahay na yaon na mga hubo't hubad at mga sugatan.
17 At nahayag ito sa lahat, sa mga Judio at gayon din sa mga Griego, na nangananahanan sa Efeso; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinadakila ang pangalan ng Panginoong Jesus.
18 Marami rin naman sa mga nagsisampalataya na ang nagsidating, na ipinahahayag at isinasaysay ang kanilang mga gawain.
19 At hindi kakaunti sa mga nagsisigamit ng mga kabihasnang magica ay nagsipagtipon ng kanilang mga aklat, at pinagsusunog sa paningin ng lahat; at kanilang binilang ang halaga niyaon, at nasumpungang may limampung libong putol na pilak.
20 Sa gayo'y lumagong totoo ang salita ng Panginoon at nanaig.
21 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ay ipinasiya ni Pablo sa espiritu, nang matahak na niya ang Macedonia at ang Acaya, na pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko naman ang Roma.
22 At nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawa sa nagsisipaglingkod sa kaniya, na si Timoteo at si Erasto, siya rin ay natirang ilang panahon sa Asia.
23 At halos nang panahong yao'y may nangyaring hindi mumunting kaguluhan tungkol sa Daan.
24 Sapagka't may isang taong nagngangalang Demetrio, pandaypilak, na gumagawa ng maliliit na dambanang pilak ni Diana, ay nagbibigay ng hindi kakaunting hanap-buhay sa mga panday;
25 Na sila'y kaniyang tinipon pati ng mga manggagawa ng mga gayong gawa, at sinabi, Mga Ginoo, talastas ninyo na nagsisiyaman tayo sa hanap-buhay na ito.
26 At inyong nakikita at naririnig, na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, ay nakaakit ang Pablong ito at naghiwalay ng maraming mga tao, na sinasabing hindi raw mga dios, ang mga ginagawa ng mga kamay:
27 At hindi lamang may panganib na mawalang kapurihan ang hanapbuhay nating ito; kundi naman ang templo ng dakilang diosa Diana ay mawawalan ng halaga, at hanggang sa malugso ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong Asia at ng sanglibutan.
28 At nang marinig nila ito'y nangapuno sila ng galit, at nangagsigawan, na nagsipagsabi, Dakila ang Diana ng mga taga Efeso.
29 At napuno ng kaguluhan ang bayan: at pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan, na sinunggaban si Gayo at si Aristarco, mga lalaking taga Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay.
30 At nang inakala ni Pablo na pasukin ang mga tao, ay hindi siya tinulutan ng mga alagad.
31 At ang ilan din naman sa mga puno sa Asia, palibhasa'y kaniyang mga kaibigan, ay nangagpasugo sa kaniya at siya'y pinakiusapang huwag siyang pumaroon sa dulaan.
32 At ang iba nga'y sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman: sapagka't ang pulong ay nasa kaguluhan; at hindi maalaman ng karamihan kung bakit sila'y nangagkatipon.
33 At kanilang inilabas si Alejandro sa karamihan, na siya'y itinutulak ng mga Judio sa dakong harap. At inihudyat ang kamay ni Alejandro, at ibig sanang magsanggalang sa harapan ng bayan.
34 Datapuwa't nang matalastas nilang siya'y Judio, ay nangagkaisang lahat na mangagsigawan sa loob halos ng dalawang oras, Dakila ang Diana ng mga Efeso.
35 At nang mapatahimik na ng kalihim-bayan ang karamihan, ay kaniyang sinabi, Kayong mga lalaking taga Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang bayan ng mga Efeso ay tagapagingat ng templo ng dakilang Diana, at ng larawang nahulog mula kay Jupiter?
36 Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito, ay dapat kayong magsitahimik, at huwag magsigawa ng anomang bagay sa madalian.
37 Sapagka't dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga mangloloob sa templo, ni mga mamumusong man sa ating diosa.
38 Kung si Demetrio nga, at ang mga panday na kasama niya, ay mayroong anomang sakdal laban sa kanino man, ay bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul: bayaan ninyong mangagsakdal ang isa't isa.
39 Datapuwa't kung may inuusig kayo sa ano pa mang ibang mga bagay, ay mahahatulan sa karaniwang kapulungan.
40 Sapagka't totoong nanganganib tayo na mangasakdal tungkol sa pagkakagulo sa araw na ito, palibhasa'y walang anomang kadahilanan: at tungkol dito ay hindi tayo makapagbibigay sulit tungkol sa pagkakatipong ito.
41 At nang siya'y makapagsalitang gayon, ay pinaalis niya ang kapulungan.