1 Mga kapatid na lalake at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagsasanggalang na gagawin ko ngayon sa harapan ninyo.
2 At nang marinig nilang sila'y kinakausap niya sa wikang Hebreo, ay lalo pang tumahimik sila: at sinabi niya,
3 Ako'y Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, datapuwa't pinapagaral sa bayang ito, sa paanan ni Gamaliel, na tinuruan alinsunod sa mahigpit na kaparaanan ng kautusan ng ating mga magulang, palibhasa'y masikap tungkol sa Dios, na gaya ninyong lahat ngayon:
4 At aking pinagusig ang Daang ito hanggang sa mamatay, na tinatalian at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalake at gayon din ang mga babae.
5 Gaya rin naman ng pangulong saserdote na nagpapatotoo sa akin, at ang buong kapulungan ng matatanda: na sa kanila nama'y tumanggap ako ng mga sulat sa mga kapatid, at naglakbay ako sa Damasco upang dalhin ko namang mga gapos sa Jerusalem ang nangaroroon upang parusahan.
6 At nangyari, na, samantalang ako'y naglalakbay, at nalalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling tapat, biglang nagliwanag mula sa langit ang isang malaking ilaw sa palibot ko.
7 At ako'y nasubasob sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig?
8 At ako'y sumagot, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi niya sa akin, Ako'y si Jesus na taga Nazaret, na iyong pinaguusig.
9 At sa katotohana'y nakita ng mga kasamahan ko ang ilaw, datapuwa't hindi nila narinig ang tinig na nagsalita sa akin.
10 At sinabi ko, Ano ang gagawin ko, Panginoon? At sinabi sa akin ng Panginoon, Magtindig ka, at pumaroon ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gagawin mo.
11 At nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng ilaw na yaon, palibhasa'y inakay ako sa kamay ng mga kasamahan ko, ay pumasok ako sa Damasco.
12 At isang Ananias, lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, na may mabuting katunayan ng lahat ng mga Judiong nagsisitahan doon,
13 Ay lumapit sa akin, at natatayo sa tabi ko ay nagsabi sa akin, Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin. At nang oras ding yao'y tumingin ako sa kaniya.
14 At sinabi niya, Ang Dios ng ating mga magulang ay itinalaga ka upang mapagkilala mo ang kaniyang kalooban, at makita mo ang Banal, at marinig mo ang isang tinig mula sa kaniyang bibig.
15 Sapagka't magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.
16 At ngayon bakit ka tumitigil? magtindig ka, at ikaw ay magbautismo, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kaniyang pangalan.
17 At nangyari, na, nang ako'y makabalik na sa Jerusalem, at nang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng diwa,
18 At siya'y nakita ko na nagsasabi sa akin, Magmadali ka, at umalis ka agad sa Jerusalem; sapagka't hindi nila tatanggapin sa iyo ang patotoo tungkol sa akin.
19 At aking sinabi, Panginoon, napagtatalastas nila na ako ang nagbilanggo at humampas sa bawa't sinagoga sa mga nagsisisampalataya sa iyo:
20 At nang ibubo ang dugo ni Estebang iyong saksi, ay ako nama'y nakatayo sa malapit, at sinasangayunan ko, at iningatan ko ang mga damit ng sa kaniya'y nagsipatay.
21 At sinabi niya sa akin, Yumaon ka: sapagka't susuguin kita sa malayo sa mga Gentil.
22 At kanilang pinakinggan siya hanggang sa salitang ito; at sila'y nangagtaas ng kanilang tinig, at nangagsabi, Alisin sa lupa ang isang gayong tao: sapagka't hindi marapat na siya'y mabuhay.
23 At samantalang sila'y nangagsisigawan, at ipinaghahagisan ang kanilang mga damit, at nangagsasabog ng alabok sa hangin,
24 Ay ipinagutos ng pangulong kapitan na siya'y ipasok sa kuta, na ipinaguutos na siya'y sulitin sa pamamagitan ng hampas, upang maalaman niya kung sa anong kadahilanan sila'y nangagsigawan ng gayon laban sa kaniya.
25 At nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling katad, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, Matuwid baga sa iyo na hampasin ang isang taong taga Roma, na hindi pa nahahatulan?
26 At nang ito'y marinig ng senturion, ay naparoon siya sa pangulong kapitan at sa kaniya'y ipinagbigay-alam, na sinasabi, Ano baga ang gagawin mo? sapagka't ang taong ito ay taga Roma.
27 At lumapit ang pangulong kapitan at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa akin, ikaw baga'y taga Roma? At sinabi niya, Oo.
28 At sumagot ang pangulong kapitan, Binili ko ng totoong mahal ang pagkamamamayang ito. At sinabi ni Pablo, Nguni't ako'y katutubong taga Roma.
29 Pagkaraka nga'y nagsilayo sa kaniya ang mga sa kaniya sana'y susulit: at ang pangulong kapitan din naman ay natakot nang maalamang siya'y taga Roma, at dahil sa pagkagapos niya sa kaniya.
30 Datapuwa't nang kinabukasan, sa pagkaibig na matanto ang katunayan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio, ay kaniyang pinawalan siya, at pinapagpulong ang mga pangulong saserdote at ang buong Sanedrin, at ipinapanaog si Pablo at iniharap sa kanila.