1 At nang mangyaring kami'y mangakahiwalay na sa kanila at mangaglayag, ay tuloytuloy na pinunta namin ang Coos, at nang kinabukasa'y ang Rodas, at buhat doo'y ang Patara:
2 At nang aming masumpungan ang isang daong na dumaraang patungo sa Fenicia, ay nagsilulan kami, at nagsipaglayag.
3 At nang matanaw namin ang Chipre, na maiiwan namin sa dakong kaliwa ay nagsilayag kaming hanggang sa Siria, at nagsidaong sa Tiro; sapagka't ilulunsad doon ng daong ang kaniyang lulan.
4 At nang masumpungan ang mga alagad, ay nangatira kami doong pitong araw: at sinabi ng mga ito kay Pablo na sa pamamagitan ng Espiritu, na huwag siyang tutungtong sa Jerusalem.
5 At nang mangyari na maganap namin ang mga araw na yaon, ay nagsialis kami at nangagpatuloy sa aming paglalakbay: at silang lahat, pati ng mga asawa at mga anak, ay humatid sa amin sa aming paglalakad hanggang sa labas ng bayan: at sa paninikluhod namin sa baybayin, kami'y nagsipanalangin, at nangagpaalaman sa isa't isa;
6 At nagsilulan kami sa daong, datapuwa't sila'y muling nagsiuwi sa bahay.
7 At nang aming matapos ang paglalayag buhat sa Tiro, ay nagsidating kami sa Tolemaida; at kami'y nagsibati sa mga kapatid, at kami'y nagsitahan sa kanilang isang araw.
8 At nang kinabukasan ay nagsialis kami, at nagsidating sa Cesarea: at sa pagpasok namin sa bahay ni Felipe na evangelista, na isa sa pito, ay nagsitahan kaming kasama niya.
9 Ang tao ngang ito'y may apat na anak na binibini, na nagsisipanghula.
10 At sa pagtira namin doong ilang araw, ay dumating na galing sa Judea ang isang propeta, na nagngangalang Agabo.
11 At paglapit sa amin, at pagkakuha ng pamigkis ni Pablo, ay ginapos niya ang kaniyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, Ganito ang sabi ng Espiritu Santo, Ganitong gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Gentil.
12 At nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at gayon din ang nangaroroon doon ay nagsipamanhik sa kaniya na huwag ng umahon sa Jerusalem.
13 Nang magkagayo'y sumagot si Pablo, Anong ginagawa ninyo, na nagsisitangis at dinudurog ang aking puso? sapagka't ako'y nahahanda na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.
14 At nang hindi siya pahikayat ay nagsitigil kami, na nagsisipagsabi, Mangyari ang kalooban ng Panginoon.
15 At pagkatapos ng mga araw na ito ay binuhat namin ang aming daladalahan at nagsiahon kami sa Jerusalem.
16 At nagsisama naman sa aming mula sa Cesarea ang ilan sa mga alagad, at kanilang isinama ang isang Mnason, na taga Chipre, isa sa mga kaunaunahang alagad, na sa kaniya kami magsisipanuluyan.
17 At nang magsidating kami sa Jerusalem, ay tinanggap kami ng mga kapatid na may kagalakan.
18 At nang sumunod na araw ay pumaroon si Pablo na kasama kami kay Santiago; at ang lahat ng mga matanda ay nangaroroon.
19 At nang sila'y mangabati na niya, ay isaisang isinaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang ministerio.
20 At sila, nang kanilang marinig yaon, ay niluwalhati ang Dios; at sa kaniya'y sinabi nila, Nakikita mo na, kapatid, kung ilang libo-libo ang mga Judio na nagsisisampalataya; at silang lahat ay pawang masisikap sa kautusan.
21 At nabalitaan nila tungkol sa iyo, na itinuturo mo sa lahat ng mga Judio na nangasa mga Gentil na magsihiwalay kay Moises, na sinasabi mo sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni mangagsilakad ng ayon sa mga kaugalian.
22 Ano nga baga ito? tunay na kanilang mababalitaang dumating ka.
23 Gawin mo nga itong sinasabi namin sa iyo: Mayroon kaming apat katao na may panata sa kanilang sarili;
24 Isama mo sila, maglinis kang kasama nila, at pagbayaran mo ang kanilang magugugol, upang sila'y mangagpaahit ng kanilang mga ulo: at maalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo; kundi ikaw rin naman ay lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan.
25 Nguni't tungkol sa mga Gentil na nagsisisampalataya, ay sinulatan namin, na pinagpayuhang sila'y magsiilag sa mga inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa binigti, at sa pakikiapid.
26 Nang magkagayo'y isinama ni Pablo ang mga tao, at nang sumunod na araw nang makapaglinis na siyang kasama nila ay pumasok sa templo, na isinasaysay ang katuparan ng mga araw ng paglilinis, hanggang sa ihain ang haing patungkol sa bawa't isa sa kanila.
27 At nang halos tapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga Asia, nang siya'y makita nila sa templo, ay kanilang ginulo ang buong karamihan at siya'y kanilang dinakip,
28 Na nangagsisigawan, Mga lalaking taga Israel, magsitulong kayo: Ito ang tao na nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa bayan, at sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa sa rito'y nagdala rin siya ng mga Griego sa templo, at dinungisan itong dakong banal.
29 Sapagka't nakita muna nila na kasama niya sa bayan si Trofimo taga Efeso, na sinapantaha nilang ipinasok ni Pablo sa templo.
30 At ang buong bayan ay napakilos, at ang mga tao'y samasamang nagsipanakbuhan; at kanilang sinunggaban si Pablo, at siya'y kinaladkad na inilabas sa templo: at pagdaka'y inilapat ang mga pinto.
31 At samantalang pinagpipilitan nilang siya'y patayin, ay dumating ang balita sa pangulong kapitan ng pulutong, na ang buong Jerusalem ay nasa kaguluhan.
32 At pagdaka'y kumuha siya ng mga kawal at mga senturion, at sumagasa sa kanila: at sila, nang kanilang makita ang pangulong kapitan at ang mga kawal ay nagsitigil ng paghampas kay Pablo.
33 Nang magkagayo'y lumapit ang pangulong kapitan, at tinangnan siya, at siya'y ipinagapos ng dalawang tanikala; at itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.
34 At iba'y sumisigaw ng isang bagay, ang iba'y iba naman, sa gitna ng karamihan: at nang hindi niya maunawa ang katotohanan dahil sa kaguluhan, ay ipinadala siya sa kuta.
35 At nang siya'y dumating sa hagdanan ay nangyari na siya'y binuhat ng mga kawal dahil sa pagagaw ng karamihan;
36 Sapagka't siya'y sinusundan ng karamihan ng mga tao, na nangagsisigawan, Alisin siya.
37 At nang ipapasok na si Pablo sa kuta, ay kaniyang sinabi sa pangulong kapitan, Mangyayari bagang magsabi ako sa iyo ng anoman? At sinabi niya, Marunong ka baga ng Griego?
38 Hindi nga baga ikaw yaong Egipcio, na nang mga nakaraang araw ay nanghihikayat sa kaguluhan at nagdala sa ilang ng apat na libong katao na mga Mamamatay-tao?
39 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Ako'y Judio, na taga Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng bayang hindi kakaunti ang kahalagahan: at ipinamamanhik ko sa iyo, na ipahintulot mo sa aking magsalita sa bayan.
40 At nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo, na nakatayo sa hagdanan, inihudyat ang kamay sa bayan; at nang tumahimik nang totoo, siya'y nagsalita sa kanila sa wikang Hebreo, na sinasabi,