1 Datapuwa't isang lalake na tinatawag na Ananias, na kasama ng kaniyang asawang si Safira, ay nagbili ng isang pag-aari,
2 At inilingid ang isang bahagi ng halaga, na nalalaman din ito ng kaniyang asawa, at dinala ang isang bahagi, at inilagay sa mga paanan ng mga apostol.
3 Datapuwa't sinabi ni Pedro, Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Espiritu Santo, at upang maglingid ng isang bahagi ng halaga ng lupa?
4 Nang yao'y nananatili pa, hindi baga yao'y nanatiling iyong sarili? at nang maipagbili na, hindi baga nasa iyo ring kapangyarihan? Ano't inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Dios.
5 At nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito ay nahandusay at nalagot ang hininga: at sinidlan ng malaking takot ang lahat ng nangakarinig nito.
6 At nagsitindig ang mga kabinataan at siya'y binalot, at kanilang dinala siya sa labas at inilibing.
7 At may tatlong oras ang nakaraan, nang ang kaniyang asawa, na di nalalaman ang nangyari, ay pumasok.
8 At sinabi sa kaniya ni Pedro, Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ng gayon ang lupa. At sinabi niya, Oo, sa gayon.
9 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Bakit kayo'y nagkasundo upang tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? narito, nangasa pintuan ang mga paa ng mga nagsipaglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas.
10 At pagdaka'y nahandusay sa paanan niya ang babae, at nalagot ang hininga: at nagsipasok ang mga kabinataan at nasumpungan siyang patay, at siya'y kanilang inilabas at inilibing siya sa siping ng kaniyang asawa.
11 At sinidlan ng malaking takot ang buong iglesia, at ang lahat ng nangakarinig ng mga bagay na ito.
12 At sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao: at nangaroon silang lahat na nangagkakaisa sa portiko ni Salomon.
13 Datapuwa't sinoman sa mga iba ay hindi nangangahas na makisama sa kanila: bagaman sila'y pinapupurihan ng bayan;
14 At ang mga nagsisisampalataya ay lalo pang nangaparagdag sa Panginoon, ang mga karamihang lalake at babae:
15 Na ano pa't dinala nila sa mga lansangan ang mga may-sakit, at inilagay sa mga higaan at mga hiligan, upang, pagdaan ni Pedro, ay maliliman man lamang ng anino niya ang sinoman sa kanila.
16 At nangagkatipon din naman ang karamihang mula sa mga bayang nangasa palibotlibot ng Jerusalem, na nangagdadala ng mga may-sakit, at ng mga pinahihirapan ng mga karumaldumal na espiritu: at sila'y pawang pinagaling.
17 Datapuwa't nagtindig ang dakilang saserdote, at ang lahat ng kasama niya (na siyang sekta ng mga Saduceo), at sila'y nangapuspos ng kainggitan,
18 At kanilang sinunggaban ang mga apostol, at kanilang inilagay sila sa bilangguang bayan.
19 Datapuwa't nang gabi na ay binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, at sila'y inilabas, at sinabi,
20 Magsihayo kayo, at magsitayo kayo sa templo, at sabihin ninyo sa bayan ang lahat ng mga salita ng Buhay na ito.
21 At nang marinig nila ito, ay nagsipasok sila sa templo nang magbubukang liwayway, at nangagturo. Datapuwa't dumating ang dakilang saserdote, at ang mga kasamahan niya, at pinulong ang sanedrin, at ang buong senado sa mga anak ni Israel, at nagpautos sa bilangguan upang sila'y dalhin doon.
22 Datapuwa't ang mga punong kawal na nagsiparoon ay hindi sila nangasumpungan sa bilangguan; at sila'y nangagbalik, at nangagbigay alam,
23 Na sinasabi, Aming naratnang totoong mabuti ang pagkalapat ng bilangguan, at nangakatayo sa mga pintuan ang mga bantay: datapuwa't ng aming mabuksan, wala kaming nasumpungang sinoman sa loob.
24 Nang marinig nga ang mga salitang ito ng puno sa templo, at ng mga pangulong saserdote, ay nangalitong totoo tungkol sa mga ito kung ano ang magiging wakas niyaon.
25 At may dumating na isa at nagsabi sa kanila, Narito, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nangakatayo sa templo at nangagtuturo sa bayan.
26 Nang magkagayo'y naparoon ang pangulo na kasama ang mga punong kawal, at sila'y dinalang hindi sa pilitan: sapagka't nangatatakot sa bayan, baka sila'y batuhin.
27 At nang kanilang mangadala sila, ay kanilang iniharap sa Sanedrin. At tinanong sila ng dakilang saserdote,
28 Na sinasabi: Ibinala naming mahigpit sa inyo na huwag kayong mangagturo sa pangalang ito: at narito, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito.
29 Datapuwa't nagsisagot si Pedro at ang mga apostol at nangagsabi, Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao.
30 Ibinangon ng Dios ng ating mga magulang si Jesus, na siya ninyong pinatay, na ibinitin sa isang punong kahoy.
31 Siya'y pinadakila ng Dios ng kaniyang kanang kamay upang maging Principe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan.
32 At kami'y mga saksi ng mga bagay na ito; at gayon din ang Espiritu Santo, na siyang ibinigay ng Dios sa nagsisitalima sa kaniya.
33 Datapuwa't sila, nang kanilang marinig ito, ay nangasugatan sa puso, at nangagpasiyang sila'y patayin.
34 Datapuwa't nagtindig sa Sanedrin ang isang Fariseo, na nagngangalang Gamaliel, doktor sa kautusan, na pinapupurihan ng buong bayan, at nagutos na ilabas na sandali ang mga tao.
35 At sinabi niya sa kanila, Kayong mga lalaking taga Israel, ay mangagingat kayo sa inyong sarili tungkol sa mga taong ito, kung ano ang inyong gagawin.
36 Sapagka't bago pa ng mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sa kaniya'y nakisama ang may apat na raang tao ang bilang: na siya'y pinatay; at ang lahat ng sa kaniya'y nagsisunod, ay pawang nagsipangalat at nangawalang kabuluhan.
37 Pagkatapos ng taong ito ay lumitaw si Judas na taga Galilea nang mga araw ng pagpapasulat, at nakahila siya ng marami sa bayan: siya'y nalipol rin; at ang lahat ng sa kaniya'y nagsisunod ay pawang nagsipangalat.
38 At ngayo'y sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangakialam sa mga taong ito, at pabayaan ninyo sila: sapagka't kung ang pasiyang ito, o ang gawang ito ay sa mga tao, ay mawawasak:
39 Datapuwa't kung sa Dios, ay hindi ninyo maiwawasak; baka pa kayo'y mangasumpungan na nangakikihamok laban sa Dios.
40 At sila'y nagsisangayon sa kaniya: at pagkatawag nila sa mga apostol, ay pinalo nila at ibinala sa kanila na huwag silang mangagsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinawalan.
41 Sila nga'y nagsialis sa harapan ng Sanedrin, na nangatutuwang sila'y nangabilang na karapatdapat na mangagbata ng kaalimurahan dahil sa Pangalan.
42 At sa araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, ay hindi sila nagsisipagtigil ng pagtuturo at pangangaral, na si Jesus ang siyang Cristo.