31 At ang ilan din naman sa mga puno sa Asia, palibhasa'y kaniyang mga kaibigan, ay nangagpasugo sa kaniya at siya'y pinakiusapang huwag siyang pumaroon sa dulaan.
32 At ang iba nga'y sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman: sapagka't ang pulong ay nasa kaguluhan; at hindi maalaman ng karamihan kung bakit sila'y nangagkatipon.
33 At kanilang inilabas si Alejandro sa karamihan, na siya'y itinutulak ng mga Judio sa dakong harap. At inihudyat ang kamay ni Alejandro, at ibig sanang magsanggalang sa harapan ng bayan.
34 Datapuwa't nang matalastas nilang siya'y Judio, ay nangagkaisang lahat na mangagsigawan sa loob halos ng dalawang oras, Dakila ang Diana ng mga Efeso.
35 At nang mapatahimik na ng kalihim-bayan ang karamihan, ay kaniyang sinabi, Kayong mga lalaking taga Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang bayan ng mga Efeso ay tagapagingat ng templo ng dakilang Diana, at ng larawang nahulog mula kay Jupiter?
36 Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito, ay dapat kayong magsitahimik, at huwag magsigawa ng anomang bagay sa madalian.
37 Sapagka't dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga mangloloob sa templo, ni mga mamumusong man sa ating diosa.