27 Datapuwa't nang dumating ang ikalabingapat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa magkabikabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating gabi na ay sinasapantaha ng mga mangdaragat na sila'y nangalalapit na sa isang lupain.
28 At kanilang tinarok, at nasumpungang may dalawangpung dipa; at pagkasulongsulong ng kaunti, ay tinarok nilang muli at nasumpungang may labinglimang dipa.
29 At sa takot naming mapapadpad sa batuhan, ay nangaghulog sila ng apat na sinepete sa hulihan, at iniibig magumaga na.
30 At sa pagpipilit ng mga mangdaragat na mangagtanan sa daong, at nang maibaba na ang bangka sa dagat, na ang dinadahilan ay mangaghuhulog sila ng mga sinepete sa unahan,
31 Ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, Maliban na magsipanatili ang mga ito sa daong, kayo'y hindi mangakaliligtas.
32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.
33 At samantalang naguumaga, ay ipinamanhik ni Pablo sa lahat na magsikain, na sinasabi, Ang araw na ito ang ikalabingapat na araw na kayo'y nangaghihintay at nangagpapatuloy sa hindi pagkain, na walang kinakaing anoman.