13 Pagkatapos, huhugasan ng naghahandog ang mga lamang-loob at mga paa, at saka ibibigay sa pari para sunugin sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
14 Kapag ibon ang iaalay ng isang tao bilang handog na sinusunog para sa Panginoon, kinakailangang kalapati o batu-bato.
15 Itoʼy dadalhin ng pari sa altar, pipilipitin niya ang leeg hanggang sa maputol at patutuluin ang dugo sa paligid ng altar. Ang ulo nito ay susunugin doon sa altar.
16 Pagkatapos, aalisin niya ang butsi at bituka nito, at ihahagis sa gawing silangan ng altar sa pinaglalagyan ng abo.
17 At pagkatapos, bibiyakin niya ang ibon sa pamamagitan ng paghila ng mga pakpak nito, pero hindi niya paghihiwalayin, at saka niya susunugin ang ibon doon sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.