1-3 Inutusan ng Panginoon si Moises at si Aaron na sabihin sa mga taga-Israel ang mga sumusunod:“Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na lumalakad sa lupa na biyak ang kuko at nginunguyang muli ang kinain nito.
4-8 Pero huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi naman biyak ang mga kuko katulad ng kamelyo at kuneho. Huwag din ninyong kakainin ang baboy dahil kahit biyak ang kuko nito hindi naman nginunguyang muli ang kinain nito. Ituring ninyo na maruruming hayop ang mga ito. Huwag kayong kakain ng karne ng mga ito o hihipo ng mga patay na hayop na ito.
9-12 “Pwede nʼyong kainin ang mga isda sa dagat o tubig-tabang na may mga palikpik at kaliskis. Pero huwag ninyong kakainin ang mga walang palikpik at kaliskis, at huwag din kayong hihipo ng mga patay na isdang ito. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga isdang ito.
13-19 “Huwag ninyong kakainin ang mga ibon katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ibon na ito.
20-23 “Pwede nʼyong kainin ang mga kulisap na lumilipad at gumagapang na may malalaking paa sa paglundag, katulad ng balang, kuliglig, at tipaklong. Pero huwag ninyong kakainin ang iba pang mga kulisap na lumilipad at gumagapang. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ito.
24-28 “Huwag kayong hihipo ng bangkay ng hayop na hindi biyak ang kuko at hindi nginunguyang muli ang kinain nito. Huwag din kayong hihipo ng bangkay ng mga hayop na apat ang paa at may kukong pangkalmot. Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. Ang sinumang makahipo ng bangkay nila ay dapat maglaba ng kanyang damit, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
29-31 “Ituring ninyong marumi ang mga hayop na gumagapang katulad ng daga, bubwit, butiki, tuko, bayawak, buwaya, bubuli at hunyango. Ang sinumang makahipo ng mga bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
32 Ang alin mang bagay na mahulugan ng patay na katawan nito ay magiging marumi, maging itoʼy yari sa kahoy, tela, balat, o sako at ginagamit kahit saan. Itoʼy dapat hugasan ng tubig, pero ituturing pa rin na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
33 Kapag ang palayok o banga ay nahulugan ng patay na hayop na ito, ang lahat ng laman sa loob nito ay marumi na, at itoʼy dapat nang basagin.
34 Ang lahat ng pagkain na nilagyan ng tubig na mula sa bangang iyon ay marumi na. At marumi na rin ang anumang inumin na nasa bangang iyon.
35 Ang alin mang mahulugan ng patay na katawan ng mga iyon ay magiging marumi. Kapag ang nahulugan ay pugon o palayok, ituring ninyong marumi iyon at dapat basagin.
36 Ang batis o balon na mahulugan ng kanilang patay na katawan ay mananatiling malinis, pero ang sinumang makahipo ng patay na katawan na iyon ay magiging marumi.
37 Ang alin mang binhi na mahulugan nito ay mananatiling malinis,
38 pero kung ang binhi ay nakababad na sa tubig, ang binhing iyon ay magiging marumi na.
39 “Kung mamatay ang alin mang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humipo nito ay ituturing na marumi, hanggang sa paglubog ng araw.
40 Ang sinumang kukuha at kakain nito ay dapat maglaba ng kanyang damit pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
41-42 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na gumagapang dahil kasuklam-suklam ito: ang anumang gumagapang sa pamamagitan ng kanyang tiyan o apat na paa o maraming paa dahil iyon ay marumi.
43-44 Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa mga ito, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at kayoʼy magpakabanal dahil akoʼy banal.
45 Ako ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Egipto para akoʼy maging Dios ninyo. Kaya dapat kayong mamuhay nang banal dahil akoʼy banal.
46 “Sa pamamagitan ng mga tuntuning ito tungkol sa lahat ng uri ng hayop, ibon at isda,
47 malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi, ang pwede at hindi pwedeng kainin.”